12 Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba.
13 Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagsimula na namang magturo.
15 Nagtataka ang mga pinuno ng mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?”
16 Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin.
17 Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin.
18 Ang nagtuturo ng galing sa sarili niyang kaisipan ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay taong tapat at hindi sinungaling.