23 Kung tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil sa nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga?
24 Huwag na kayong humatol batay sa nakikita, kundi humatol kayo ayon sa nararapat.”
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin?
26 Hayan! Lantaran siyang nangangaral, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya na nga ang Cristo!
27 Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!”
28 Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat pagtiwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala,
29 ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.”