30 Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang tamang panahon.
31 Marami sa mga tao ang nanalig sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, makakagawa kaya siya ng mga himalang higit pa sa mga ginawa ng taong ito?”
32 Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo upang dakpin si Jesus.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin.
34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.”
35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang nasa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila?
36 Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?”