1 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo.
2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya't umupo siya at nagsimula siyang magturo.
3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan,
4 at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya.
5 Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?”
6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.