14 Sumagot si Jesus, “Kahit ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, totoo naman ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan.
15 Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman.
16 At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi lamang ako ang humahatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin.
17 Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi.
18 Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.”
19 Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?”Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.”
20 Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa dakong kinaroroonan ng mga lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa iyon ang itinakdang panahon.