11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”
12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lunsod.
13 Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago.
14 Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus.
15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may 120 kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita,
16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus.
17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”