Mga Gawa 19 RTPV05

Si Pablo sa Efeso

1 Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang mga dakong bulubundukin ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad

2 at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?”“Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila.

3 “Kung gayon, sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.“Sa bautismo ni Juan,” tugon naman nila.

4 Kaya't sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga tumatalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya ang pagsisisi sa mga Israelita upang sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.”

5 Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.

6 Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos.

7 Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo.

8 Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat niya ang mga tao na magpasakop sa paghahari ng Diyos.

9 Ngunit may ilan sa kanila na nagmamatigas at ayaw sumampalataya, at nagsasalita pa sila ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw sa paaralan ni Tirano.

10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia, maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.

Ang mga Anak ni Esceva

11 Gumagawa roon ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo.

12 Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinadala sa mga maysakit. Gumagaling naman ang mga ito at lumalayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila.

13 May ilang Judio roon na naglilibot at nagpapalayas ng masasamang espiritu. Pinapangahasan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa pagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga sinasapian ng mga ito. Sinasabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, iniuutos ko sa inyo, lumabas kayo.”

14 Kabilang sa gumagawa nito ay ang pitong anak na lalaki ni Esceva, isang pinakapunong pari ng mga Judio.

15 Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, kilala ko rin si Pablo, ngunit sino ba kayo?”

16 At sila'y nilundag ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu, tinalo silang lahat at malubhang sinaktan, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon.

17 Nabalitaan iyon ng lahat ng naninirahan sa Efeso, maging Judio o Griego, kaya't natakot silang lahat at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus.

18-19 Marami sa mga sumampalataya ang dumating at nagpahayag na sila ay nangkukulam. Tinipon nila ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga ito sa harap ng madla. Sa kabuuan, ang halaga ng mga ito ay umabot sa limampung libong salaping pilak.

20 Kaya't sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang kanyang salita.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu, nagpasya si Pablo na maglakbay sa Macedonia at Acaya papuntang Jerusalem. “Kailangan ko ring pumunta sa Roma pagkagaling sa Jerusalem,” sabi niya.

22 Pinauna niya sa Macedonia sina Timoteo at Erasto, dalawa sa kanyang mga kamanggagawa, at siya'y tumigil sa Asia nang kaunti pang panahon.

23 Nang panahong iyon ay nagkaroon ng isang malaking kaguluhan dahil sa Daan ng Panginoon.

24 May isang platerong nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng maliliit na templong pilak ng kanilang diyosang si Artemis, at ito'y pinagkakakitaan nang malaki.

25 Tinipon niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga taong ganito rin ang hanapbuhay. Sinabi niya, “Mga kasama, alam ninyong sa gawaing ito nagmumula ang ating masaganang pamumuhay.

26 Nakikita ninyo't naririnig kung ano ang ginagawa ng Pablong iyan. Sinasabi niyang ang mga diyos na ginawa ng kamay ng tao ay hindi raw diyos, at marami siyang napapaniwala, hindi lamang dito sa Efeso kundi sa buong Asia.

27 Nanganganib na magkaroon ng masamang pangalan ang ating hanapbuhay. Ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawawalan ng kabuluhan. Pati na ang dakilang diyosa na sinasamba ng Asia at ng buong daigdig ay hindi na igagalang.”

28 Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

29 Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lunsod; kinaladkad nila sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay, at sama-sama silang sumugod sa tanghalan.

30 Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid.

31 Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan.

32 Magulung-magulo ang kapulungan; may sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman. Hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkakatipun-tipon doon.

33 Inakala ng ilang naroon na si Alejandro ang dahilan sapagkat siya ang ibinungad ng mga Judio sa madla. Sumenyas si Alejandro sa mga tao na tumahimik upang siya'y makapagpaliwanag.

34 Subalit nang makilala nilang siya'y isang Judio, sabay-sabay silang sumigaw sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”

35 Sa wakas dumating ang punong-bayan at pinatahimik ang mga tao. At kanyang sinabi, “Mga taga-Efeso! Sino ba ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis? Sinong hindi nakakaalam na ang banal na batong ito ay mula sa langit?

36 Hindi maaaring pabulaanan ninuman ang mga bagay na ito. Kaya't huminahon kayo! Huwag kayong magpabigla-bigla.

37 Hindi naman nagnanakaw sa templo ang mga taong dinala ninyo rito. Hindi rin nila nilalait ang ating diyosa.

38 Kung si Demetrio at ang mga platerong kasama niya ay may reklamo laban sa kaninuman, bukás ang mga hukuman, at may mga hukom tayo. Doon sila magsakdal.

39 Ngunit kung may iba pa kayong habol, maaaring pag-usapan iyan sa isang pangkalahatang pagpupulong ng mga mamamayan, ayon sa batas.

40 Dahil sa nangyari ngayong araw na ito, maaaring maparatangan tayo na nanggugulo sa bayan. Walang sapat na dahilan o katuwiran ang kaguluhang ito.”

41 Pagkatapos, pinauwi na ng punong-bayan ang mga tao.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28