15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may 120 kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita,
16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus.
17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”
18 Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka.
19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.
20 Sinabi pa ni Pedro,“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,at huwag nang tirhan ninuman.’Nasusulat din,‘Ibigay sa iba ang kanyang tungkulin.’
21-22 “Kaya't dapat tayong pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”