28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na wala akong dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan.
29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”
30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.
31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong mga panalangin at kinalulugdan niya ang pagtulong mo sa mahihirap.
32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’
33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at salamat naman at kayo'y pumarito. Ngayon ay nagtitipon kami sa harap ng Diyos upang makinig sa anumang ipinapasabi ng Panginoon.”
34 At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang naunawaan na talagang walang itinatangi ang Diyos.