6 Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”
7 Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya.
8 Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.
9 Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon.
10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain.
11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok.
12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad.