10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.
11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa ibig ng mga Judio na mangyari sa akin.”
12 Nang mapag-isip-isip niya ito, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin.
13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon.
14 Nakilala niya agad ang tinig ni Pedro, at sa laki ng tuwa ay hindi na nagawang buksan ang pinto. Sa halip, tumakbo siyang papasok at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.
15 “Nahihibang ka ba?” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Baka naman anghel niya iyon!”
16 Samantala patuloy na kumakatok si Pedro.Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala.