20 Matagal nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't napagkasunduan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon na lumapit sa kanya upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang mayordomo ng hari, upang sila'y samahan.
21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati.
22 Sumigaw ang bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!”
23 At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay.
24 Samantala, lumalaganap naman ang salita ng Diyos, at lalong dumarami ang mga mananampalataya.
25 Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem kasama si Juan na tinatawag ding Marcos.