8 “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”
9 Sumunod nga si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y nananaginip lamang siya.
10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.
11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa ibig ng mga Judio na mangyari sa akin.”
12 Nang mapag-isip-isip niya ito, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin.
13 Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon.
14 Nakilala niya agad ang tinig ni Pedro, at sa laki ng tuwa ay hindi na nagawang buksan ang pinto. Sa halip, tumakbo siyang papasok at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan.