12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang tagapagsalita.
13 Nasa bungad ng lunsod ang templo ni Zeus, at nang mabalitaan ng pari ni Zeus ang nangyari, nagdala siya ng mga torong may kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lunsod upang ialay sa mga apostol bilang handog niya at ng bayan.
14 Nang malaman ito nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila,
15 “Mga ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon.
16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan.
17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.”
18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin si Bernabe at si Pablo na pigilin ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.