6 Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe, mga lunsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain,
7 at doon sila nangaral ng Magandang Balita.
8-9 Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo
10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.
11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!”
12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang tagapagsalita.
13 Nasa bungad ng lunsod ang templo ni Zeus, at nang mabalitaan ng pari ni Zeus ang nangyari, nagdala siya ng mga torong may kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lunsod upang ialay sa mga apostol bilang handog niya at ng bayan.