20 Sa halip, sulatan natin sila at sabihang huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, huwag kakain ng hayop na binigti, at huwag kakain ng dugo.
21 Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.”
22 Kaya't minabuti ng mga apostol, ng mga pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid.
23 Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman:“Kaming mga apostol at pinuno ng iglesya ay bumabati sa mga mananampalatayang Hentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.
24 Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inuutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo,
25 kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo,
26 mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo.