5 Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.”
6 Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito.
7 Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya.
8 Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap din niyang tulad natin nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo.
9 Iisa ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat sila'y nanalig kay Jesu-Cristo.
10 Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin?
11 Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus; gayundin naman sila.”