12 Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, na isang kolonyang Romano at pangunahing lunsod sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw.
13 At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lunsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon.
14 Kabilang dito ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at kanyang pinaniwalaan ang ipinapangaral ni Pablo.
15 Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” At tinanggap naman namin ang kanyang paanyaya.
16 Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Siya'y nakakapanghula dahil sinasapian siya ng masamang espiritu. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula.
17 Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”
18 Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu.