20 Iniharap sila sa mga pinuno ng lunsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lunsod ang mga Judiong ito.
21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.”
22 Sinunggaban sila ng mga tao, pinahubaran ng mga pinuno at ipinahagupit.
23 Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti.
24 Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy.
25 Nang Maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo.
26 Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo.