8 Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas.
9 Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.”
10 Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita.
11 Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis.
12 Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, na isang kolonyang Romano at pangunahing lunsod sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw.
13 At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lunsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon.
14 Kabilang dito ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at kanyang pinaniwalaan ang ipinapangaral ni Pablo.