12 Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan.
13 Subalit nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinapangaral din ni Pablo sa Berea ang salita ng Diyos, sila'y nagpunta roon at sinulsulan ang taong-bayan upang gumawa ng gulo.
14 Kaya't si Pablo'y dali-daling pinaalis ng mga kapatid at pinapunta sa tabing-dagat. Ngunit naiwan sina Silas at Timoteo.
15 Ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa kanya sa lalong madaling panahon.
16 Habang sina Silas at Timoteo'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, napansin niyang puno ng mga diyus-diyosan ang lunsod. Labis niyang ikinalungkot iyon
17 kaya't nakipagpaliwanagan siya sa loob ng mga sinagoga roon, sa mga Judio at sa mga debotong tao, at sa sinumang makatagpo niya sa liwasang-bayan araw-araw.
18 Subalit nakipagtalo sa kanya ang ilang pilosopong Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay.