18 Subalit nakipagtalo sa kanya ang ilang pilosopong Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay.
19 Siya'y isinama nila at iniharap sa kapulungan ng Areopago at tinanong, “Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na itinuturo mo?
20 Bago sa aming pandinig ang sinasabi mo, kaya't nais naming malaman ang kahulugan nito.”
21 Sapagkat walang ginagawa ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap-usap at makinig tungkol sa mga bagong turo.
22 Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay.
23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lunsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi nakikilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ay siya kong ipinapahayag sa inyo.
24 Siya ang gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto, siya ang Panginoon ng langit at ng lupa. Hindi siya nananahan sa mga templong ginawa ng tao.