25 Tinipon niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga taong ganito rin ang hanapbuhay. Sinabi niya, “Mga kasama, alam ninyong sa gawaing ito nagmumula ang ating masaganang pamumuhay.
26 Nakikita ninyo't naririnig kung ano ang ginagawa ng Pablong iyan. Sinasabi niyang ang mga diyos na ginawa ng kamay ng tao ay hindi raw diyos, at marami siyang napapaniwala, hindi lamang dito sa Efeso kundi sa buong Asia.
27 Nanganganib na magkaroon ng masamang pangalan ang ating hanapbuhay. Ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawawalan ng kabuluhan. Pati na ang dakilang diyosa na sinasamba ng Asia at ng buong daigdig ay hindi na igagalang.”
28 Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
29 Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lunsod; kinaladkad nila sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay, at sama-sama silang sumugod sa tanghalan.
30 Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid.
31 Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan.