28 Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
29 Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lunsod; kinaladkad nila sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay, at sama-sama silang sumugod sa tanghalan.
30 Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid.
31 Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan.
32 Magulung-magulo ang kapulungan; may sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman. Hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkakatipun-tipon doon.
33 Inakala ng ilang naroon na si Alejandro ang dahilan sapagkat siya ang ibinungad ng mga Judio sa madla. Sumenyas si Alejandro sa mga tao na tumahimik upang siya'y makapagpaliwanag.
34 Subalit nang makilala nilang siya'y isang Judio, sabay-sabay silang sumigaw sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”