9 Ngunit may ilan sa kanila na nagmamatigas at ayaw sumampalataya, at nagsasalita pa sila ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw sa paaralan ni Tirano.
10 Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia, maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon.
11 Gumagawa roon ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo.
12 Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinadala sa mga maysakit. Gumagaling naman ang mga ito at lumalayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila.
13 May ilang Judio roon na naglilibot at nagpapalayas ng masasamang espiritu. Pinapangahasan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa pagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga sinasapian ng mga ito. Sinasabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, iniuutos ko sa inyo, lumabas kayo.”
14 Kabilang sa gumagawa nito ay ang pitong anak na lalaki ni Esceva, isang pinakapunong pari ng mga Judio.
15 Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, kilala ko rin si Pablo, ngunit sino ba kayo?”