22 Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon.
23 Ang tanging nalalaman ko ay ito: sa bawat bayang dinaanan ko, ipinapahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin ay pagkabilanggo at kapighatian.
24 Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao.
25 “Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli.
26 Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, hindi ako mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo,
27 sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang layunin ng Diyos.
28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat sila'y inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak.