26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.
27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at sumigaw.
28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat ng tao saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Gayundin naman, nagsama pa siya ng mga Griego sa loob ng Templo; nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!”
29 Ganoon ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.
30 Nagulo ang buong lunsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at biglang isinara ang pintuan.
31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem.
32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo.