14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo.
15 Nang ako'y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya.
16 Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga't hindi nito naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa mga nagsasakdal sa kanya.
17 Kaya't nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman.
18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila.
19 Ang tangi nilang pinagtatalunan ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala'y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya'y buháy.
20 Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito, kaya't tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin.