22 Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, kaya't ngayon nakatayo ako rito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises,
23 na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabubuhay na muli upang magdulot ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa kaaaral mo'y nasira na ang iyong ulo.”
25 Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Malinaw ang isip ko at ang sinasabi ko'y pawang katotohanan.
26 Naririto ang Haring Agripa. Malakas ang loob kong magsalita sa harap niya sapagkat alam niya ang lahat ng ito. Tiyak na walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito.
27 Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!”
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa loob ng ganito kaikling panahon ay ibig mo yata na maging Cristiano ako!”