14 May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay papuntang Roma.
15 Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumaroon sila sa Foro de Apio at sa Tres Tabernas upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas naman ang kanyang loob.
16 Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya.
17 Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lunsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at idinemanda sa kinatawan ng pamahalaang Romano.
18 Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan.
19 Ngunit tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan.
20 Nakagapos ako sa kadenang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.”