12 Kaya't sinabi ni Pedro sa mga tao, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan?
13 Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain siya.
14 Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao.
15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon.
16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.
17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno.
18 Ngunit sa ginawa ninyo'y natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Cristo ay kailangang magtiis ng hirap.