1 Mayroon namang mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae.
2 Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan.
3 Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa?
4 Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”
5 Nang marinig ito ni Ananias, siya'y patay na bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot.
6 Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.
7 Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari.