14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon.
15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila.
16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.
17 Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila.
18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo.
19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila,
20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa tao ang buong mensahe tungkol sa bagong pamumuhay na ito.”