32 Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol.
34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol,
35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito.
36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan.
37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay din ang mga tagasunod niya.
38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho.