29 Nang marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Nag-asawa siya roon at nagkaanak ng dalawang lalaki.
30 “Makalipas ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy.
31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon,
32 ‘Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin.
33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinaroroonan mo.
34 Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’
35 “Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy.