4 Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba't ibang lugar, ngunit saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita.
5 Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo.
6 Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi.
7 Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling
8 kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
9 Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y may taglay na kapangyarihan,
10 at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila.