18 Noon di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita na siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo.
19 Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas.Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco.
20 Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral na si Jesus ang Anak ng Diyos.
21 Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba siya ang dating umuusig sa mga sumasamba kay Jesus sa Jerusalem?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?”
22 Ngunit lalong naging mahusay si Saulo sa kanyang pangangaral at nalito ang mga Judiong naninirahan sa Damasco dahil sa kanyang matibay na pagpapatunay na si Jesus ang siyang Cristo.
23 Pagkaraan ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo.
24 Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito.