31 Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at patuloy na nagpupuri sa Panginoon. Sa tulong at sa pakikisama ng Espiritu Santo, tumatag at dumami ang mga mananampalataya.
32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga kapatid sa pananampalataya. Sa pagdalaw niya sa mga kapatid sa Lida,
33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay.
34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka na ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”At agad siyang tumayo.
35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at nanampalataya sila sa Panginoon.
36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas, na ang kahulugan ay usa. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa.
37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas.