10 Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala.
11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.
12 Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis.
13 Magpasensiya kayo sa isa't isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.
14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa.
15 Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi.
16 Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos.