1 Mga amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit.
2 Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos.
3 Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon.
4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon.
6 Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa sinumang nagtatanong.
7 Si Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon.
8 Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob.
9 Kasama niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito.
10 Kinukumusta kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan.
11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga Cristianong Judio rito na kasama ko sa pangangaral tungkol sa paghahari ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos.
13 Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis.
14 Nangungumusta rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas.
15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay.
16 Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon.
17 At pakisabi ninyo kay Arquipo na ipagpatuloy ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Akong si Pablo ang siyang sumulat ng pagbating ito. Huwag ninyo sanang kalilimutan na ako'y nakabilanggo.Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng Diyos.