10 Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh.
11 Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo. Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
12 Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita.
13 Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas.
14 Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh.
15 Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam.
16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem.