12 Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita.
13 Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas.
14 Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh.
15 Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam.
16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem.
17 Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!”
18 Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh.