16 Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem.
17 Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!”
18 Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh.
19 Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo.
20 Si Abisai na kapatid ni Joab ay nakapatay ng tatlong daang kaaway sa pamamagitan ng sibat, kaya lalo siyang kinilala ng Bantog na Tatlumpu na kanyang pinamumunuan.
21 Siya ang pinakamatapang sa Tatlumpu kaya naging pinuno ng mga ito. Ngunit hindi niya napantayan ang Tatlong mandirigma.
22 Kabilang din sa mga kinilalang kawal si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel. Siya naman ang pumatay sa dalawang mandirigma sa Moab, at lumusong sa balon minsang taglamig at pumatay sa leong naroon.