25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.
26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki.
27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino.
28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.
29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.