10 Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria.
11 Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita.
12 Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo.
13 Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.”
14 Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito.
15 Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem.
16 Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer.