14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito.
15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa
16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”
17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya,
18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh.
19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”