2 Nang naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito.
3 Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay.
4 Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel.
5 Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh.
6 Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya.
7 Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’
8 Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman.