20 At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari.
21 Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel.
22 Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon.Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari.
23 Mula noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel.
24 Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David.
25 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel.
26 Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel.