22 Ang lahat ng bantay-pinto ay umaabot sa 212. Sila'y kabilang sa listahan ng kani-kanilang nayon. Si David at ang propetang si Samuel ang naglagay sa kanila sa tungkuling ito sapagkat sila'y mapagkakatiwalaan.
23 Sila at ang kanilang mga anak ang naging bantay sa pinto ng Templo.
24 Sa apat na panig nito, sa silangan, sa kanluran, sa hilaga at sa timog ay may mga bantay.
25 Ang mga kamag-anak nila sa mga nayon sa paligid ay dumarating doon tuwing ikapitong araw upang makatulong nila.
26 Kailangan nilang gawin ito sapagkat ang apat na Levitang bantay doon ay namamahala rin sa mga silid at kayamanang nasa Templo.
27 Doon na sila natutulog sa Templo, sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga at pagbabantay niyon. Sila rin ang nagbubukas ng Templo tuwing umaga.
28 Ang iba sa kanila'y tagapangalaga ng mga kagamitan sa paglilingkod, sapagkat kailangang bilangin nila iyon tuwing gagamitin at ibabalik sa lalagyan.