30 Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.
31 Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”
32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan.
33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh.
34 Dinapaan niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay.
35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata.
36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.”